22.9.10

Meeting the beneficiaries of the Kalahi-CIDSS Program


SPEECH
of
His Excellency BENIGNO S. AQUINO III
President of the Philippines
During the meeting with the Beneficiaries of the Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS) Program
[September 16, 2010, Sto. Tomas, Davao del Norte]

Maayong hapon kaninyong tanan nga naa dire sa Santo Tomas!
Lubos po ang aking kasiyahan na makasama ngayon ang mga benepisyaryo ng programang Kapit-Bisig Laban Sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services o Kalahi-CIDSS.
Ang programang ito ay tugon ng ating pamahalaan sa problema ng kahirapan. Sa pagpapalakas ng mga komunidad, nilabanan natin ang kawalang-malasakit. Sa pagpapabuti ng mga lokal na pamunuan, nilabanan natin ang katiwalian. Sa pagtugon sa kahirapan, nilabanan natin ang kawalan ng tirahan at kakulangan ng tubig at pagkain. Bilang magkakalahi, kapit-bisig kayong kumilos upang malabanan ang korupsyon at kahirapan. Kayo ay humakbang sa pakikialam patungo sa pakikilahok. Naging bahagi kayo ng solusyon.
Salamat po sa inyong pakikiisa. Sana’y ipagpatuloy ninyo ang magandang nasimulan.
Sa kabila po ng mga tagumpay, alam nating may mga problema pa rin tayong kailangang tugunan.
Ilang munisipalidad sa Region 11 ang hindi pa sakop ng Kalahi-CIDSS. Ang ating tugon: dagdag na pondo sa tulong ng World Bank na siyang sasaklaw sa apat pang munisipalidad at dagdag na budget upang makatulong ang Kalahi-CIDSS sa 1.3 milyon pang pamilya.
Dahil nga hindi pa saklaw ng Kalahi-CIDSS ang lahat ng pinakamahihirap na komunidad, kinailangang gumawa ng ibang paraan upang mabigyang-pansin at maipatupad ang inyong sub-project proposals. Nakikipagtulungan ang DSWD sa mga pribadong institusyon at non-government organizations bilang hakbang upang mas maparami ang trabaho at lalong umunlad ang kabuhayan ng mamamayan.
At sa tulong ng Millenium Challenge Corporation ng Estados Unidos, mabibigyan ang Kalahi-CIDSS ng dagdag na pondo upang mapalawig ito at lalo pang dumami ang makaranas ng pag-unlad sa buhay.
Lahat po ng mga hakbanging ito ang magsisigurong—walang maiiwan sa ating pag-unlad.
Ang suma total na ibibigay sa atin ng Millennium Challenge Corporation para sa kalahi-cidss ay mahigit 5 bilyong piso. Patunay ito na higit na binibigyan ng pansin ng ating administrasyon ang mga programang magpapaunlad sa buhay ng ating mga mamamayang lubos na nangangailangan.
Naaalala ko, minsan may naikwento sa akin si Secretary Dinky Soliman. Hindi ko alam kung nandito sila ngayon, pero may mga miyembro ng tribong nakatira sa tuktok ng bundok dito sa Davao na nakinabang sa Kalahi-CIDSS. Dati rati ay hindi sila nararating ng kabihasnan sapagkat walang maayos na daan patungo sa lugar nila. Noong nakita nila si Secretary Soliman upang ipaabot ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa daang naipagawa nila, ang sabi nila: “dahil sa Kalahi-CIDSS, nakakatikim na kami ng mainit na tinapay.”
Ngunit hindi lahat ng tao ay sang-ayon sa ating adhikain sa reporma. Ngayon pa lang may kumekwestyon na sa ating mga programang laban sa kahirapan. Kung sang-ayon kayo sa ating layunin, ipakita ninyo ang inyong suporta. Ipaalam ninyo sa inyong mga kongresista at senador, mayor at gobernador, na sumasang-ayon kayo sa aming ginagawa para sa inyo.
Totoong-totoo na “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Kasali ng pagsugpo ng katiwalian ang ating laban sa kahirapan. Gagamitin po natin sa tamang paraan ang kaban ng bayan. Magkapit-bisig po lalo tayo para sa katuparan ng ating mga pinangarap. Tapos na ang panahon ng bangayan. Ito na ang panahon ng damayan.
Maayong adlaw ug daghang salamat sa inyong tanan.

No comments: